Resolusyon na pagtatatag sa Philippine Congress-Bangsamoro Parliament, pinagtibay na sa Kongreso

Inaprubahan na sa plenaryo ng Senado ang concurrent resolution para sa pagtatatag ng Philippine Congress-Bangsamoro Parliament.

Ang pagtatatag nito ay alinsunod sa Republic Act 11054 o Bangsamoro Organic Law at naglalayong magkaroon ng kooperasyon at koordinasyon sa mga legislative initiatives.

Sa ilalim ng Senate Concurrent Resolution No. 5, ang Philippine Congress-Bangsamoro Parliament ay bubuuin ito ng five-member panel mula sa Senado at Kamara na itatalaga ng Senate president at speaker of the house.


Paliwanag ni Senate President Juan Miguel Zubiri, ang Philippine Congress-Bangsamoro Parliament Forum (PCBPF) ay isang intergovernmental body na tutulong sa Kongreso at sa Bangsamoro Parliament na magkaroon ng koordinasyon para makamit at mapanatili ang tunay na kapayapaan at pag unlad sa Bangsamoro Region.

Ayon pa kay Zubiri, malaking tulong pag nabuo ito dahil mas mapapabilis ang mga dapat pang gawin para sa BARMM na sa ngayon ay nasa transition stage pa.

Ilan sa mga panukala na kailangan nang aksyunan ay ang Electoral Code at Local Governance Code ng Bangsamoro Transition Authority.

Facebook Comments