Inaprubahan ng Senado ang resolusyon na nagpapahayag ng pakikisimpatya at lubos na pakikiramay sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong June 24.
Kabilang sa mga naghain o may-akda ng resolusyon ay sina Senators Joel Villanueva, Francis “Kiko” Pangilinan, Koko Pimentel III, Leila de Lima, Risa Hontiveros, Franklin Drilon at Senate President Vicente Sotto III.
Sa resolusyon ay binibigyang pagkilala ang buhay at legacy o pamana ni Aquino bilang ika-15 pangulo ng bansa.
Pangunahing pinuri ng mga senador ang paglaban ni Aquino sa korapsyon, pagsisikap na matugunan ang kahirapan at maingat ang ekonomiya ng bansa.
Kanilang binigyang diin na sa panahon ng pamumuno ni Aquino ay naibaba sa 0.67 percent noong 2015 ang dating 4.11 percent na inflation rate, umabot naman sa 6.2 percent ang taunang pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) mula 2010 hanggang 2015.
Sa kanilang sponsorship speech ay inilarawan nila si Aquino bilang great man, transformational leader, at hero ng bansa dahil itinuon nito ang buong buhay sa pagmamahal sa mamamayang Pilipino.
Tinukoy rin ng mga senador ang napakaraming mahahalagang batas na naipasa sa ilalim ng administrasyong Aquino gayudin ang pagpapalawak ng benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Higit sa lahat ay pinuri ng mga senador ang tagumpay ng bansa sa Permanent Court of Arbitration na kumikilala sa ating karapatan sa West Philippine Sea (WPS).