Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na walang masama sa inilabas na senate resolution number 518 na nananawagan sa gobyerno na itigil na ang drug related killings lalo na sa mga kabataan.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, kaisa naman ng Senado ang Malacañang sa usapin na ito dahil maging sila ay nababahala sa mga patayang nangyayari at gayundin ang mga extra-judicial killings.
Pero nilinaw din naman ni Abella na na hindi state-sanctioned ang mga nangyayaring patayan sa Pilipinas tulad ng mga lumalabas na konklusyon ng Senate Committee on Justice and Human Rights at Public Order and Illegal Drugs na nagsagawa ng imbestigasyon sa mga patayan.
Patunay lang aniya dito ay ang pagbibigay ng buong kooperasyon ng Ehekutibo sa mga ginagawang imbestigasyon ng Senado laban sa mga tiwaling pulis.