Naghain ngayon ng resolusyon si dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na humihimok sa Commission on Election (COMELEC) na magsagawa ng debate.
Sa press conference ni Rep. Cayetano na ginanap sa Pasay City, inihayag nito na sa ilalim ng inihain niyang House Resolution No. 3446 kasama ang ilang kongresista, maiging magsagawa kaagad ng debate ang Comelec upang malaman at makilala agad ng isang botante ang mga kumakandidato sa 2022 elections.
Dagdag pa ni Cayetano, maiging simulan agad ang debate bago pa man matapos ang taong 2021 hindi lamang sa mga tumatakbong pagka-pangulo kungdi maging sa pagka-bise presidente at senador.
Iginiit ng dating House speaker na habang maaga pa ay malaman agad kung anong plano o programa ng mga tatakbong kandidato kung saan maiging gawin ito mula December 2021 hanggang April 2022.
Sa ilalim pa ng resolusyon, sinabi pa ni Cayetano na dapat ang kakandidato sa pagka-pangulo ay iimbitahan para sumabak sa debate ng hanggang limang beses.
Maaari rin magsagawa ng lingguhang debate ang Comelec kung saan pwede nilang imbitahan ang nasa dalawang presidentiables kada isang debate.
Kasama rin sa resolusyon ang paghihimok sa Comelec na makipag-ugnayan sa mga media, academe at pribadong sektor para i-organisa at maikasa ang debate.
Sa huli sinabi pa ni Cayetano na sa pamamagitan ng ilang serye ng debate, dito matitimbang ng botante kung sino ang nararapat na iboto sa pamamagitan ng ibinabahagi nilang impormasyon lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.