Manila, Philippines – Inihain na ng mga kongresista mula sa Ako Bicol Partylist ang resolusyon para sa gagawing imbestigasyon ng Kamara sa insidenteng nangyari sa Resorts World Manila.
Sa House Resolution 1065 na inihain nila Ako Bicol Reps. Rodel Batocabe, Alfredo Garbin, at Christopher Co, binigyang diin dito na isang premier tourist at entertainment establishment ang resorts world na dinadayo ng libu-libong mga players, bakasyunista at mga dayuhan araw-araw.
Sa kabila nito ay nalantad naman ang kahinaan ng security ng casino matapos na atakihin ng gunman na kinilalang si Jessie Carlos ang resorts world na nagresulta sa pagkamatay ng 37 katao.
Nais silipin ng isasagawang imbestigasyon ang mga lapses sa security protocols sa casino at ang ilan pang kwestyunableng bagay tulad ng hindi paggana ng sprinkler system ng gusali matapos na sunugin ni Carlos ang second floor.
Nauna ng itinakda ang imbestigasyon ng Kamara sa nangyaring trahedya bukas ng umaga na gaganapin sa Conference Hall ng NAIA Terminal 3 na tawid lamang ng Resorts World Manila.
DZXL558, Conde Batac