Manila, Philippines – Inihain ngayon ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 981 na nagtatakda ng imbestigasyon ng senado sa nangyaring passport data breach sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay Hontiveros, nakakaalarma ang nabunyag na pagtangay ng private contractor sa mga impormasyong ibinigay ng publiko sa DFA.
Nakasaad sa resolisyon na target ng pagdinig na malinawan kung sino ang responsable sa nangyari na malinaw na isang paglabag sa Data Privacy Act of 2012.
Sabi ni Hontiveros, sa gagawing pagdinig ay target na mailatag ang mga hakbang para matiyak ang seguridad sa personal na data na mga Pilipino at mapigilan na magamit ito sa iligal na gawain.
Ipinunto din ni Hontiveros, na dahil dito ay nagkakaroon ng duda ngayon sa kakayahan ng pamahalaan na proteksyunan ang impormasyon ng mamamayan sa harap ng napipintong pagpapatupad ng National ID System.