Resolusyon para patuloy na suportahan ang mga guro sa gitna ng pandemya, pinagtibay sa Kamara

Inaprubahan ng Kamara ang isang resolusyon para obligahin ang pamahalaan na patuloy na suportahan ang public school teachers at college faculties dahil sa ramdam pa rin ang epekto COVID-19 pandemic.

Sa in-adopt na House Resolution 2471, partikular na hiniling ng mga mambabatas sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na maglaan ng face masks at iba pang personal protective equipment o PPE, suplay ng alcohol o katulad na disinfectant at iba pa, na magagamit ng mga guro sa pag-iwas sa COVID-19.

Ito ay ibabase na rin sa Alert Level na idineklara ng Inter-Agency Task Force (IATF).


Bukod dito, nais din ng Kamara na magkaroon ang DepEd at CHED ng probisyon ng mga tablet, laptops at internet connection o subscription para sa mga guro, lalo’t hindi naman lahat sa kanilang hanay ay kayang gumastos para rito.

Giit sa resolusyon, kailangang maisulong ang kapakanan at kalusugan ng mga guro at tinuturuan nilang mga estudyante dahil mayroon pa ring pandemya.

Facebook Comments