Inaprubahan ng mga senador ang resolusyong bumabatikos sa muling pag-obliga ng Department of Transportation (DOTr) sa mga ipaparehistrong sasakyan sa Land Transportation Office (LTO) na ipasuri muna sa private motor vehicle inspection centers (PMVICs).
Ipinasa ng mga senador ang resolusyon na isinulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Grace Poe, kahit ipinasuspinde na ni Transportation Secretary Art Tugade ang mandatory inspection ng mga sasakyan sa PMVIC.
Paliwanag ni Poe na siya ring Chairperson ng Committee on Public Services, ang pag-apruba nila sa resolusyon ay pagpapatibay ng kanilang posisyon kontra sa nabanggit na patakaran ng DOTr lalo na at posibleng muli na naman itong ipatupad sa hinaharap.
Iginiit pa ni Poe at ni Senator Joel Villanueva, hindi dapat obligahin ang pagpapasuri ng mga sasakyan sa PMVIC hangga’t hindi nalilinaw kung paano ito nabigyan ng concession agreement, dapat din na ibaba ang singil nito at dagdagan ang centers sa buong bansa.
Inakusahan naman ni Senator Richard Gordon ang DOTr ng pagpapa-iral ng favoritism kaya kakaunting private testing centers lang ang binigyan nito ng accreditation na hindi naman kayang tumugon sa malaking bilang ng magpapasuring sasakyan.
Pinagpapaliwanag naman ni Senator Christopher “Bong” Go si Secretary Tugade kung bakit muling binuhay ang PMVIC kahit may rekomendasyon ang Senado at may utos si Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang operasyon nito.