“Atin ang Pag-asa Island na parte ng Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea -at kailangang gumawa ng hakbang ang gobyerno para malabanan ang bullying na ginagawa ng China sa lugar.”
Ito ang laman ng Senate Resolution 954 na inihain ni Senador Ping Lacson matapos ang kaniyang pagbisita sa Pag-asa Island bilang pinuno ng Senate Committee on National Defense and Security.
Nakapaloob sa resolusyon ang mungkahi na gamitin ng gobyerno ang alyansa nito sa ibang bansa para mapalakas ang ating posisyon sa West Philippine Sea.
Nanawagan din si Lacson para sa isang komprehensibong development plan kung saan kasama ang mga kongkretong proyekto para mapaganda ang buhay at masiguro ang pagdadala ng serbisyo publiko sa lugar.
Sa kaniyang resolusyon ay ibinahagi ni Lacson na ang Pag-asa Island ay napaliligiran ng Chinese maritime vessels sa kabila ng ating paulit-ulit na diplomatic protests.
Babala ni Lacson, kung magpapatuloy ang ganitong gawain ng China ay maari itong magdulot ng panganib o banta hindi lamang sa ating national interest at territorial integrity kundi pati na rin sa kapayapaan at katatagan ng Asia Pacific Region.