Resort sa chocolate hills, nakalusot dahil sa maraming butas sa batas

Lumabas sa pagdinig ng Committee on Natural Resources na maraming butas sa batas kaya nailusot ang pagtatayo ng Captain’s Peak Resort sa Chocolate Hills na tinaguriang national heritage at idineklarang geological park ng UNESCO.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo, lumabas sa pagdinig ng komite na nakapwesto ang Captain’s Peak sa tinaguriang “alienable and disposable land” na idineklara ng pamahalaan noong pang 1920s na pwedeng maibenta sa pribadong indibidwal.

Natalakay sa pagdinig na sa pamamagitan ng Proclamation No. 1037 noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos ay ideneklara ang Chocolate Hills na isang “natural monument” kung saan bawal magtayo ng anumang istruktura.


Pero noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay inamyendahan ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 333 kung san ibinabawal lamang magtayo ng istruktura sa Chocolate Hills at 20 metro mula sa baseline ng bawat hill.

Giit naman ni Tulfo at ng chairman ng komite na si Negros Occidental 2nd District Rep. Alfredo Marañon at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, dapat ay hindi pumayag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maitayo ang isang resort sa naturang lugar na isang national heritage at tourist attraction.

Tiniyak naman ni Tulfo na mula sa resulta ng kanilang imbestigasyon ay agad silang gagawa ng rekomendasyon para maitama kung anuman ang mga mali sa batas at para hindi na ito mangyaring muli.

Facebook Comments