Resorts World Manila, nakitaan ng paglabag sa usapin ng seguridad

Manila, Philippines – Nakitaan ng inisyal na paglabag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR ang Resorts World Manila.

Sa joint investigation ng house committee on public order and safety, games and amusement at tourism, sinabi ni PAGCOR Chair Andrea Domingo na nito lamang may 24, 2017 nang naglabas sila ng security advisory sa lahat ng casino operator sa bansa na magdagdag ng precautionary measure kasunod na rin ng nangyaring pag-atake sa Marawi City.

Pero aniya, hindi ito sinunod ng Resorts World base sa kuhang CCTV nito.


Una nang nagisa ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa pagdinig ang mga opisyal ng RWM dahil sa umano’y hindi kahandaan ng mga ito sa pagresponde sa nangyaring insidente.

Kitang-kita rin kasi sa CCTV footage na sa halip harapin ang gunman ay nagtakbuhan pa ang mga security at pulis sa casino.

Pero giit naman ni RWM COO Stephen James Reilly, kumpleto sila sa emergency response team mula fire, medical at security units.

Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng legal team ng PAGCOR ang iba pang mga posibleng paglabag ng Resorts World na planong ilabas sa Biyernes.

Kasunod na rin ng insidente, ikinukonsidera na rin ngayon ng PAGCOR ang pagsusumite sa mga casino operator ng kanilang security at fire plan bago mabigyan ng pahintulang makapag-operate.
DZXL558

Facebook Comments