*Cauayan City, Isabela-* Hinihiling ng mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender Community sa Lungsod ng Cauayan na mabigyan sila ng respeto at makataong pagtrato.
Ito ay matapos umani ng iba’t-ibang reaksyon ang video na nagviral sa social media na pagpapaalis at paghuli ng isang janitress sa isang Transgender woman na si Gretchen Diez sa Metro Manila.
Una nang naghain ng panukalang batas si Senator Risa Hontiveros upang mapangalagaan ang karapatan ng mga miyembro ng LGBTQ na Senate Bill 1271 na Sexual Orientation and Gender Identity and Expression o SOGIE Bill.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Jess Tolentino, tagapagsalita ng Bamboo United Gay Association sa Lungsod, mungkahi niya na dapat irespeto ng publiko ang kanilang katayuan lipunan.
Dagdag dito, pabor din ang grupong BUGA na magkaroon ng hiwalay na palikuran upang higit na mas maayos sa publiko at maiwasan ang numang diskriminasyon.
Mensahe naman ni Tolentino sa publiko na huwag balewalain ang kanilang pagiging miyembro ng LGBT kundi bigyan anya sila ng patas at maayos na trato.