Respondents sa petisyon na humihiling na palayain ang mga bilanggong vulnerable sa COVID-19, pinagkokomento na ng Korte Suprema

Dalawang isyu ang tinalakay ng mga mahistrado ng Supreme Court (SC) sa kanilang Special En Banc Session online kanina sa harap ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay Supreme Court Spokesman Atty. Brian Hosaka, isinagawa ang En Banc Session online kanina kung saan kumpleto ang 15 mahistrado ng Korte Suprema.

Kabilang sa mga natalakay sa naturang En Banc Session ang petisyon ng mga kamag-anak ng ilang mga inmates na humihirit na palayain ang kanilang mga kamag-anak na nakakulong on humanitarian ground sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19 Pandemic.


Partikular ang dionisio almonte petition kung saan binigyan ng SC ang mga respondents o ang panig ng pamahalaan na maghain ng komento sa April 24, 2020 at wala nang binigay na extension dito.

Ikalawa sa nasalang sa agenda ay ang petisyon na inihain ni Dino De Leon na humihiling ng pagsasapubliko sa tunay na kalagayan ng kalusugan ng Pangulong Duterte.

Gayunman, wala pang naging aksyon dito ang mga mahistrado at muli itong isasalang sa deliberation.

Facebook Comments