RESPONSABLENG PAGTATAPON NG BASURA, MULING IPINANAWAGAN NG CENRO

Cauayan City, Isabela- Nananawagan pa rin sa publiko ang City Environmental and Natural Resources o CENRO Cauayan na maging isang responsableng mamamayan sa pagtatapon ng mga basura.

Sa ating panayam kay Cauayan CENRO Officer Engr. ALejo Lamsen, para mapanatili ang kalinisan sa Lungsod at mapanindigan ang bansag na Ideal City of the North ay kinakailangan aniya na naitatapon sa tamang lalagyan ang mga basura at sumusunod din sa tamang paghihiwalay ng mga basura.

Una nang nagpatupad ang CENRO ng “No Segregation, No Collection” policy sa Lungsod pero sa kasalukuyan ay mayroon pa ring mga barangay ang hindi sumusunod sa polisiya lalo na dito sa Poblacion at ilang mga karatig na barangay.

Ayon kay Lamsen, wala aniyang problema sa mga nasa malalayong barangay dahil sumusunod ang mga ito sa tamang pagsegrate o pagbubukod ng basura at nananatili pa rin ang kanilang Mini Material Recovery Facility o MRF.

Problema lamang aniya dito sa Poblacion area at nearby barangays dahil halo halo pa rin ang kanilang mga basura. Kaugnay nito, bumuo na lamang ng grupo ang CENRO na tututok sa pagtitimbang at paghihiwalay sa mga nakokolektang basura para sa nabubulok, di-nabubulok, nabebenta at special waste bago ilagay o itapon sa sanitary landfill ng Cauayan.

Kaugnay nito, kasalukuyan ang kanilang ginagawang monitoring sa bawat barangay dito sa Lungsod para makita kung ipinapatupad pa rin sa kanilang lugar sa pangunguna ng kanilang Kapitan ang Republic Act 9003 o ang Ecological solid Waste Management Act of 2000.

Mensahe naman nito sa mga Cauayeño na huwag magtapon ng basura sa kung saan-saan kundi igalang ang ating kalikasan upang biyaya ay makamtan at multa ay maiwasan. Samantala, ipinapabatid din sa mga Cauayeño na tatanggap na muli ng mga basura ang CENRO sa May 30, 2022 para sa programang “Basura mo Kapalit ay Bigas” kung saan ang bawat tig dalawang kilong plastic na basura tulad ng selophane, empty sachet ng shampoo, toothpaste o noodles at anumang klase ng plastic na hindi nabubulok ay papalitan ng isang kilong bigas.

Kaya naman pinapaalalahan ang mga taga Cauayan na linisin at ipunin lamang ang mga plastic para mapalitan ito ng bigas sa muling pag arangkada ng naturang programa.

Facebook Comments