Oobligahin ang restaurants o food service establishments na maglagay ng impormasyon tungkol sa calorie content ng bawat pagkain na nasa kanilang mga menu.
Naalarma si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pagdami ng mga obese o mga sobrang mabibigat ang timbang na isa sa mga major risk factor noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic at pangunahing dahilan ng type 2 diabetes, cancer, cardiovascular diseases at stroke.
Layunin ng isinusulong ni Villanueva na paglalagay ng calorie content sa menu ng mga kainan na matulungan ang publiko na pumili ng pagkaing may wastong nutrisyon.
Sa Senate Bill 738 ni Villanueva ay ire-require na naka-display ang calorie content information ng bawat pagkain sa printed at online menu, gayundin sa menu board na gaya ng nakikita sa mga fast food restaurant.
Dapat ay available rin ang nutritional information kapag humingi ang customer ng ibang detalye tulad ng saturated fat, cholesterol, sodium, carbohydrates, sugar, protein at dietary fiber.
Sakop ng panukala ang malalaking restaurants, fast food chains na may 15 o higit pang food establishments at franchise outlets.
Bibigyan naman ng isang taon ang food establishments na tumalima at sa oras na lumabag ay mahaharap naman ang mga ito sa multang P20,000 hanggang P250,000.