Aminado ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na posibleng ibaba pa sa alert level 2 ang restriction status sa Metro Manila.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, ito ay kung 1,000 pababa na lang ang daily cases at magtutuloy-tuloy pa ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region.
Aniya, nasa 1,500 hanggang 1,600 na lang ang daily downward trend ng COVID-19 cases sa Metro Manila.
Malaki na aniya ang ibinaba mula sa dating 10,000 cases kada araw nang magkaroon ng surge dahil sa Delta variant.
Sa ngayon ay nasa 49 percent na lang ang Intensive Care Unit (ICU) bed utilization rate sa Metro Manila habang 56% naman sa buong bansa.
Sinabi ni Densing na ito ay halos nasa low-risk at moderate risk na dahil sa patuloy na bakunahan ng pamahalaan.