Restrictions sa pagsasagawa ng face-to-face campaigning, pinag-aaralan na ng Comelec

Malabo nang ipagbawal ng Commission on Elections (Comelec) ang “face-to-face campaigning” para sa halalan sa susunod na taon.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na ‘unrealistic’ ang pag-ban sa face-to-face campaigning lalo’t marami pa rin ang walang access sa online resources.

Sa halip, maaari aniyang magpatupad na lamang ang poll body ng restriction sa kung paano isasagawa ang face-to-face campaigning.


“Tingin natin, ang pinamalamang na mangyari dyan, magkaroon lang ng restrictions sa face-to-face campaigning. Halimbawa, kung magka-campaign rally ka kailangan meron kang standards na susundin, ganito lang karami ang mga tao, kailangan may social distancing measures, naka-facemask, may mga marshal may mga bantay. And syempre, nag-e-encourage kami sa mga political parties, sila na mismo maghanap sila ng creative means of campaigning,” paliwanag ni Jimenez.

Samantala, mababa pa rin ang bilang ng mga nagpaparehistro sa Comelec.

Simula September 1, 2020 hanggang nitong Pebrero, nasa 1.3 milyong mga bagong botante pa lamang ang nakapagparehistro, malayo sa target ng Comelec na apat na milyon.

“Tingin namin, dala po yan ng COVID ano, kasi unang-una takot ang mga tao lumabas, pangalawa may restriction sa travel especially sa mga senior citizens, pangatlo, syempre yung Comelec offices natin mababa ang capacity kasi isa-isa na lang yung pinapapasok natin ano. Kaya kailangan nating dagdagan yung araw at oras ng registration,” ani Jimenez.

Kaugnay nito, bubuksan na rin ng Comelec ang voter registration tuwing araw ng Sabado simula sa February 20.

Facebook Comments