Aabutin pa ng apat na araw bago malaman ang resulta ng gaganaping plebesito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law o BOL.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, magiging mano-mano kasi ang proseso ng botohan kaya at mas matagal ang pagbibilang at canvassing.
Aniya, ang canvass sa Cotabato City at Isabela City sa Basilan ay diretsong mapupunta sa national canvassing board na magko-convene sa January 22 sa Intramuros, Maynila.
Pero may bahagi aniya ng Basilan na ang canvass ay daraan sa provincial at regional canvassing board.
Kasabay nito, tiniyak ni Jimenez na wala malaking problema sa paghahanda sa plebisito.
Ngayong araw, magaganap ang plebisito sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) para ratipikahan ang BOL.
Sa February 6 naman gaganapin ang plebisito para sa Lanao del Norte at anim pang munisipalidad sa North Cotabato.