Resulta ng bar exams, ilalabas na ngayong araw; mga kumuha ng exam, hindi na kailangang magtungo sa Korte Suprema

Ilalabas na ngayong araw, April 29, ng Korte Suprema ang resulta ng 2019 Bar Examinations.

Pero, hindi tulad ng nakagawian kung saan dumadagsa ang mga law graduates at kanilang mga grupo, kaibigan at pamilya sa Padre Faura sa labas ng Korte Suprema ang resulta ng bar examinations ay i-a-upload at makikita sa website ng Supreme Court na sc.judiciary.gov.ph.

Dahil dito, hindi na kailangan pa na magtungo sa SC ang mga kumuha ng exam para alamin ang resulta at wala rin idi-display na listahan sa labas ng Korte Suprema ng mga pumasa.


Sinabi ni SC Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka, maaaring sa tanghali mailabas ang resulta, gaya noong nakalipas na taon pero bago ito, magkakaroon muna ng En Banc session ang mga mahistrado.

Aabot sa 7,699 na law graduates ang kumuha ng 2019 Bar Exams na ginanap sa University of Santo Tomas noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Nabatid na ang hakbang na ito ng Korte Suprema ay bilang pagtalima sa Enhanced Community Quarantine o ECQ lalo na’t mahigpit na ipinagbabawal ang mga malalaking pagtitipon o mass gatherings bilang pag-iingat laban sa COVID-19.

Facebook Comments