Itinuturing ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na vindication kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa mga otoridad ang resulta ng Gallup survey na nagsasabing isa ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na pinakaligtas.
Ayon kay Senate President Sotto, ito rin ang paliwanag o makapagsasabi kung bakit nananatiling mataas ang rating ni Pangulong Duterte.
Sinabi naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na dating hepe ng Philippine National Police, hindi maaaring kwestyunin ang resulta ng Gallup survey dahil base ito sa scientific research.
Diin pa ni Dela Rosa, kumpirmasyon ito ng kanyang personal na karanasan simula noong huling bahagi ng 2016 kung saan personal na nagpapaabot ng pasasalamat ang publiko dahil mas ligtas sila ngayon bunga ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Naniniwala naman si Senator Sonny Angara na maaaring sinasalamin ng Gallup survey ang sentimyento ng pangakaraniwanang mamamayan at ipinapakita nito na kaya mataas ang approval ratings ni Pangulong Duterte ay dahil sa pagtutok ng administrasyon nito sa peace and order at paglaban sa kriminalidad.
Ipinagmalaki naman ni Senator Christopher “Bong” Go na maraming tao ang magpapatunay na mas ligtas na sila ngayon kahit na maglakad sa gabi dahil sa nagtatagumpay na anti-criminality, anti-illegal drugs at anti-corruption campaign ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Go, ngayon ay ang mga kriminal na ang dapat matakot dahil sa seryosong kampanya ng administrasyon para sa inaasam na kapayapaan at kaayusan sa bansa.