Resulta ng imbestigasyon ng NBI sa mga opisyal ng PCSO, tatapusin sa lalong madaling panahon

Tiniyak ni Justice Sec. Menardo Guevarra na ilalabas nila sa lalong madaling panahon ang resulta ng imbestigasyon ng NBI kaugnay sa sinasabing anomalya sa gaming operations ng PCSO.

Ayon kay Guevarra, partikular na tinututukan sa nasabing imbestigasyon ang anggulo hinggil sa hindi pagre-remit sa gobyerno ng kita mula sa lotto operations.

Aniya, malawak ang pagsisiyasat ng NBI dahil kasama rin sa ini-imbestigahan ang mga nakalipas na pamunuan ng PCSO.


Sinabi ni Guevarra na tatamaan sa imbestigasyon ang ilang opisyal ng PCSO gayundin ang lotto operators na hindi nagreremit ng tama sa gobyerno.

Sa kabila nito, inihayag ni Guevarra na sa ngayon ay wala silang nakikitang iregularidad sa operasyon ng lotto dahil electronic ito.

Una nang inihayag ng Pangulong Duterte na ibubunyag niya ang pangalan ng PCSO officials na sangkot sa katiwalian.

 

Facebook Comments