Resulta ng imbestigasyon ng Senado sa pagbenta ng Malampaya Gas Project, naisumite na sa Ombudsman

Naisumite na ng Senate Committee on Energy sa Office of the Ombudsman ang resulta ng kanilang imbestigasyon kaugnay ng bentahan ng Malampaya Gas Project.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, Chairman ng komite, hiniling nila sa Ombudsman na makasuhan ng administratibo at kriminal si Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi at iba pang opisyal ng kagawaran matapos aprubahan ang pagbebenta ng malaking bahagi ng Malampaya gas field.

Aniya, ang pagsasampa ng mga kaso ay magbibigay ng pagkakataon sa mga sangkot na indibidwal na ipagtanggol ang kanilang sarili sa tamang lugar.


Nauna nang inakusahan ni Gatchalian ang mga opisyal ng DOE na lumabag sa mga batas para aprubahan ang pagbebenta ng 45 percent participating interest ng Malampaya gas project ng Chevron Malampaya LLC Philippines, na kilala ngayon bilang UC 38 LLC, sa UC Malampaya, isang hindi direktang subsidiary ng Udenna Corporation.

Facebook Comments