Maaring ilabas ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo ang resulta ng imbestigasyon sa pulis na walang awang pinatay ang isang ginang sa Quezon City.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, naabisuhan na siya ng Internal Affairs Service (IAS) na ang kasong grave misconduct ay isinampa na laban kay Police Master Sergeant Hensie Zinampan, miyembro ng Police Security Protection Group (PSPG).
Maliban sa kasong administratibo, nahaharap din si Zinampan sa kasong murder.
Kapag napatunayang guilty sa krimen si Zinampan ay agad siyang ikukulong at madi-dismiss sa serbisyo.
Tatalima rin ang PNP sa utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na disiplinahin ang mga pulis na nakakagawa ng masama.
Pagtitiyak ng PNP na sila ay magiging transparent at patuloy na magbibigay ng update sa kaso ni Zinampan.