Resulta ng mga nagpapabakuna sa Maynila, unti-unting bumababa

Unti-unting bumababa ang turnout o resulta ng mga bilang ng nagpapabakuna kada araw sa lungsod ng Maynila.

Nabatid na kahapon, umaabot lamang sa mahigit 7,000 ang bilang na naitala ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa ikalawang araw ng Bayanihan, Bakunahan round 2.

Naging matumal ang pagpunta ng mga indibidwal sa iba’t ibang vaccination sites sa lungsod kung saan mababa ang turnout ng mga nagpapabakuna kung ikukumpara sa unang ratsada ng Bayanihan, Bakunahan.


Paliwanag ng mga health care worker mula sa Manila Health Department, karamihan daw kasi ng kanilang mga constituent ay pawang mga bakunado na kaya’t kakaunti na rin ang nagtutungo sa mga vaccination sites.

Sa kabuuang bilang, mahigit sa isandaang porsyento na ng target population sa Maynila ang nabakunahan kung ang pagbabasehan ay datos ng Commission on Elections (COMELEC) at ng Department of Health (DOH).

Kaugnay nito, nakapagturok na ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng halos tatlong milyong bakuna kontra COVID-19.

Magpapatuloy naman ngayong araw ang huli at ikatlong araw ng Bayanihan, Bakunahan round 2 kung saan inihayag ng Manila Local Government Unit na bukas ang mahigit na 50 vaccination sites sa lungsod kahit matapos ang event ng national government.

Facebook Comments