Ngayong linggo o sa susunod na linggo pa malalaman ang desisyon ng Department of Agriculture (DA) kung papayagang ibenta sa mga Kadiwa stores ang mga nasabat na puting sibuyas sa Divisoria.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez na wala pang resulta ang pagsusuri sa sako-sakong mga puting sibuyas.
Inaalam na rin aniya kung pwede pang ibenta ang mga ito sakaling payagan dahil marami na ang nabubulok.
Ayon kay Estoperez, ang mahalaga sa ngayon ay masigurong ligtas ang mga sibuyas sa pamamagitan ng phytosanitary inspection at hindi ito lumampas sa merkado.
Kung mapagpasyahan naman na ipagbili sa Kadiwa, sinabi ng opisyal na mura na lang itong maibebenta dahil kung tutuusin ay wala na itong presyo dahil nasabat lang naman ng mga awtoridad.
Una nang iniutos ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Plant Industry na sirain ang nasa halos 4 na milyong pisong halaga ng smuggled na puting sibuyas.