Nagsumite na ang Department of Justice sa Office of the President ng resulta ng imbestigasyon nito kaugnay sa kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng dalawang Water Concessionaires.
Ayon kay Justice Spokesperson, Usec. Markk Perete, ang findings ng kanilang review sa mga kasunduan, at ilang rekomendasyon ay naipasa na sa Malacañang para sa susunod na magiging hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Natukoy din nila ang ilang probisyon sa water deals na hindi pabor sa gobyerno at sa taumbayan.
Iginiit din ni Perete na hindi tamang atasan ang gobyerno na bayaran ang mga lugi ng Water Companies.
Una nang nanindigan si Pangulong Duterte na hindi babayaran ang 7.4 Billion Pesos sa Manila Water at 3.4 Billion Pesos sa Maynilad alinsunod sa ruling ng Singapore Arbitration Court.
Nakasaad sa 1997 Agreement ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System at ng Maynilad at Manila Water, pinagbabawalan ang gobyerno na mangialam sa pagtatakda ng presyo o singil, at magbigay ng Indemnity Clause.