Nagpapatunay ang survey ng Tugon ng Masa sa pamamagitan ng OCTA Research na nasa tamang direksyon ang Marcos administration para sa inaasam na economic transformation mula sa pagkakalugmok ng ekonomiya dulot ng COVID- 19 pandemic.
Ayon kay Office of the Press Secretary OIC Usec. Cheloy Garafil, batay sa isinagawang survey ng OCTA-Manila Bulletin mula October 23 hanggang 27, 2022, lumalabas na 85 percent ng mga Filipino adults ay naniniwalang nasa tamang direksyon ang Pilipinas sa magandang pagbabago habang anim na porysento lamang ang hindi sang-ayon.
91 percent naman ng mga Pilipino sa Visayas ang nagsabing maayos na napapamunuan ng presidente ang bansa habang 87 percent sa balance Luzon o sa Luzon outside Metro Manila at 84 percent sa Mindanao ang pareho ang paniniwala.
Nasa 70 percent naman ng mga adult Filipinos sa Metro Manila ang naniniwalang nasa tamang landas ang Pilipinas sa ilalim ng Marcos administration.
Sinabi ni Usec. Garafil na ang mga numerong ito ay nagre-represent sa mga Pilipinong nakaranas nang paghihirap sa nakalipas na dalawang taon dahil sa pandemya pero naniniwalang magkakaroon ng magandang pagbabago para sa Pilipinas sa pamumuno ni Pangulong Marcos.
Ayon pa kay Garafil, hindi madali ang trabahong ito ng pangulo pero determinado at committed aniya ang presidente na mabigyan ng magandang buhay ang bawat Filipino, sa pamamagitan ng mga programang nagbibigay ng trabaho, negosyo at titiyakin ang food security.
Kaugnay nito, nanawagan ang Pangulong Marcos ng pakikiisa at kooperasyon sa lahat para matupad ang kanyang mga ipinangako sa mga Filipino noong panahon nang kaniyang pangangampanya.