Resulta ng water samples na kinuha sa Marikina river, posibleng abutin ng 1 linggo – Marikina Veterinary Office

Patuloy na nakamonitor ang Marikina City Government kaugnay sa banta ng African Swine Fever.

Ayon kay City Veterinary Office Chief Dr. Manuel Carlos, kahapon nakakuha na ng water samples ang mga tauhan ng Laguna Lake Development Authority sa Marikina river partikular na sa Brgy. Kalumpang, Nangka at Tumana.

Susuriin umanong maigi ang water samples kung kontaminado ba ang ilog at kung kumalat na ba dito ang virus ng ASF.


Paliwanag ng opisyal, posibleng abutin ng 1 linggo bago malaman ang resulta sa pagsusuri ng LLDA.

Sinabi naman ni Dr. Carlos na sa ngayon ay mahigpit nilang binabantayan ang mga meat product sa Marikina lalo na yung mga baboy na ibinababa sa mga palengke.

Regular din umanong nag-iikot ang mga tauhan ng City Veterinary Office at chine-check ang mga stall kung may tatak ba ng NMIS ang mga baboy.

Matapos mag-alok ng pabuya na P200K kahapon, sinabi ni Marikina Mayor Marcy Teodoro na maraming text message na syang natanggap sa pagkakakilanlan at lugar na kinaroonan ng iresponsableng nagtapon ng baboy sa ilog.

Gayunman, ay sasailalim muna ito sa masusing beripikasyon.

Facebook Comments