Resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, matagumpay na naisagawa ngayong araw

Matagumpay na naisagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard ang Rotation and Resupply (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ito ang kinumpirma ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) sa isang pahayag matapos na makapaghatid ng mga supply sa BRP Sierra Madre ang Philippine supply ships Unaizah May 1 at Unaizah May 2 ngayong araw.

Ito’y sa kabila ng pagtatangka ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia vessels na harangin at muling pigilan ang resupply operation.


Ayon sa NTF-WPS ang dalawang supply vessel ay inescortan ng Philippine Coast Guard vessels BRP Cabra at BRP Sindangan; habang naka-stand-by din ang mga barko ng Philippine Navy.

Binigyang diin ng NTF-WPS na magpapatuloy ang regular na RoRe missions sa BRP Sierra Madre na bahagi ng lehitimong pagpapatupad ng pamahalaan ng administrative functions sa West Philippine Sea alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea at 2016 Arbitral ruling award.

Facebook Comments