Retiradong Pulis, Patay Matapos Tumbukin ang Kasalubong na Motorsiklo!

*Aurora, Isabela*- Dead on Arrival ang pitumpu’t pitong taong gulang na retiradong pulis matapos mag-overtake at tumbukin ang kasalubong na motorsiklo bandang alas sais y medya kaninang umaga sa Brgy. Villa Nuesa, Aurora, Isabela.

Kinilala ang nasawi na si Endelicio Conception, residente ng Bagong Tanza, Aurora habang ang sugatan na nakasalubong nito ay kinilalang si Sunday Belizar, bente sais anyos, isang technician at residente naman ng Manano, Mallig, Isabela.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng PNP Aurora, magkasalungat na binabaybay nina Conception at Belizar ang lansangan sa Brgy. Villa Nuesa lulan ang kanilang minamanehong motorsiklo nang mag-overtake si Conception sa sinusundang motorsiklo na minamaneho naman ni Elriel Tabagon subalit natumbok nito ang kasalubong na motorsiklo.


Tumilapon ang katawan ni Conception habang sugatan naman si Belizar na pawang isinugod pa sa pagamutan subalit idineklarang Dead On Arrival na ang retiradong pulis.

Dinala na sa himpilan ng pulisya ang dalawang motorsiklo habang patuloy pa ang isinasagawang pagsisiyasat ng kapulisan hinggil sa naturang pangyayari.

Facebook Comments