Cauayan City, Isabela- Inaresto ng mga alagad ng batas ang anim (6) na indibidwal na kinabibilangan ng isang retiradong sundalo, dalawang (2) empleyado ng LGU at tatlong (3) pang kalalakihan dahil sa pagpapaputok at pag-iingat ng mga ito ng iligal na baril.
Kinilala ang mga naaresto na sina Jolito Maguddayao, 50 anyos, retired Army, residente ng Brgy. Bauan West, Solana; Wilfred Caronan, 47 anyos, LGU employee, residente ng Brgy. Centro South West, Solana, Cagayan; Loreto Malabad Jr., 55 anyos, LGU employee, residente ng Brgy. Centro North West, Solana, Cagayan at tatlong mga taga Brgy. Cattaran, Solana, Cagayan na sina Romar Casibang, 51 anyos, walang trabaho; Juan Saquing, 54 anyos, magsasaka at Solito Simangan, 60 anyos na isa rin magsasaka.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, isang impormasyon mula sa concerned citizen ang natanggap ng PNP Solana na may mahigit kumulang sampung (10) katao ang nag-iinuman at nagpapaputok ng kanilang baril sa isang farm sa nasabing Sitio na agad namang tinungo ng kapulisan katuwang ang PIU CPPO, Intel Operatives ng 204th RMFB at Intel Operatives ng 17th Infantry Battalion ng 5ID Philippine Army.
Natunugan ng mga suspek ang pagdating ng mga otoridad kaya’t nagsitakas ang mga ito subalit sa bandang huli ay naaresto rin ang mga suspek.
Nakuha sa pag-iingat ng retiradong sundalo ang isang (1) Caliber 45 na may tatlong (3) bala, habang nakuha naman mula kay Casibang ang isang (1) patalim.
Narekober naman sa pag-iingat ni Simangan ang isang (1) unit ng homemade na Caliber 38 na may anim na bala habang isang (1) unit ng Smith at Wesson Caliber 38 na may bala ang nakuha mula kay Caronan.
Bigo namang makapagpresinta ng kaukulang dokumento ang mga suspek sa kanilang mga dalang baril.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga nahuling suspek para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.