Hinamon ng debate ni Dr. Romeo Quijano, isang retired professor sa University of the Philippines (UP)-Manila, College of Medicine ang Department of Health (DOH) sa usapin ng COVID-19 vaccine.
Matatandaang umani ng samu’t saring reaksyon sa publiko at sa DOH ang pahayag kahapon ni Quijano na mas delikado pa ang COVID-19 vaccine kaysa sa mismong virus.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Quijano na gagawa siya ng sagot sa DOH at pamunuan ng UP-Manila at ilalagay ang mga siyentipikong pinagbatayan sa kanyang pahayag.
Giit ni Quijano, kung pagbabatayan ang mga scientific evidence ng mga eksperto sa Europe at Amerika, malinaw na may malaking panganib na dala ang COVID-19 vaccine pero, hindi aniya ito inilalabas at mas pinapaniwalaan ang mga nagbebenta ng bakuna.
Aniya, inilapit na ito ng ilang kasamahan pero hindi sila pinansin ni Health Sec. Francisco Duque III.
Kaya naman hamon ng retired medical professor sa DOH, magkaroon sila ng live broadcast debate upang malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Sinabi ni Quijano na handa siyang panindigan ang mga pahayag.