Retooling at training ng mga public school teachers, pinadadagdagan ng pondo sa 2022 national budget

Hiniling ni Assistant Majority Leader at Cebu Rep. Eduardo Gullas sa Kongreso na paglaanan ng mas malaking pondo para sa 2022 budget ang retooling at training ng mga public school teachers.

Ang hirit ng kongresista ay bunsod pa rin ng bagsak na performance at marka ng mga mag-aaral sa bansa pagdating sa global assessment tulad ng Program for International Student Assessment noong 2018, Trends in International Mathematics and Science Study at Southeast Asia Primary Learning Metrics noong 2019.

Kumbinsido si Gullas na hindi naituturo nang epektibo ng karamihan sa mga guro sa public school system ang English, Mathematics at Science.


Sa kasalukuyan aniya ay gumagastos lamang ang pamahalaan ng ₱723 sa kada guro sa bawat taon para sa kanilang patuloy na edukasyon sa pamamagitan ng formal in-service training.

Pero giit ni Gullas, kulang ito dahil ang halagang kailangan para sa development ng kaalaman at pagsasanay ng bawat guro sa mga seminars at workshops ay nasa ₱5,000 hanggang ₱10,000.

Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act, nakakuha lamang ang Department of Education (DepEd) ng ₱675 million na pondo para sa in-service training at iba pang learning at development interventions para sa pag-upgrade ng kakayahan ng mga public school teachers, hindi hamak na mas mababa kumpara sa ₱780 million noong 2020.

Apela ni Gullas sa Kongreso, tulungan ang DepEd na paglaanan ng bilyong pondo sa 2022 para sa professional at performance development ng mga guro upang maitaas ang karunungan ng mga mag-aaral sa Pilipinas.

Facebook Comments