Retrieval operations sa bumagsak na Cessna plane sa Mt. Mayon, sinimulan na ng PA

Nagsasagawa na ng retrieval operations ang Philippine Army (PA) at iba pang responders sa mga labi ng biktima ng bumagsak na Cessna plane malapit sa bunganga ng Mt. Mayon.

Ito ang iniulat ni Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, matapos na makarating sa crash site ang team ng 31st Infantry Battalion ng 9th Infantry Division (9ID) ngayong araw.

Matatandaang binuo ng Joint Task Force Bicolandia ang Task Force Sagip kasunod ng napaulat na pagbagsak ng eroplano noong Pebrero 18.


Narating ng mga sundalo ang crash site sa pamamagitan ng Camalig, Albay flank ng bulkan, sa gitna ng masamang panahon at mahirap na daanan.

Walang iniulat na survivor sa apat na sakay ng Cessna RPC 340, na kinabibilangan ng piloto na si Capt. Rufino James Crisostomo Jr.; ang kanyang mekaniko na si Joel Martin; at dalawang Australianong pasahero sa sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam.

Facebook Comments