Lusot na rin sa House Committee on Ways and Means ang tax o revenue provision ng Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3 Bill.
Batay sa inaprubahang probisyon ay inaatasan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magbigay ng dagdag na provisional advances sa national government para mapondohan ang COVID-19 response programs ng pamahalaan.
Hindi naman hihigit sa 10% ng average income ng pamahalaan mula 2018 hanggang 2020 ang provisional advances ng BSP.
Itinataas din ang dividend remittances ng mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) hanggang 75% mula sa kasalukuyang 50%.
Sa tantya ni Ways and Means Chairman Joey Salceda, inaasahang aabot sa ₱294.8 billion mula sa BSP at ₱78 billion naman mula sa GOCCs ang pondong malilikom para sa Bayanihan 3.
Ang Bayanihan 3 na may pondong ₱405.6 billion ay magsisilbing lifeline na siyang tutugon sa mga mahihirap, mga manggagawa at mga industriyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Ayon naman kay Marikina Representative Stella Quimbo, nakapaloob sa Bayanihan 3 ang P216 billion na ayuda sa mga Pilipino na ibibigay naman ng dalawang rounds o dalawang beses na tig-₱1,000 sa lahat ng mga Pilipino anuman ang estado nito.
Samantala, dadaan pa sa Committee on Appropriations ang panukala at ibabalik sa mother committee para aprubahan ang committee report bago ito iakyat sa plenaryo.
Inaasahang sa May 17 o sa pagbubukas ng sesyon ay masisimulan na ng Kamara ang debate sa plenaryo ng Bayanihan 3.