Manila, Philippines – Hanggang ngayon ay hindi pa naglalabas ng reaksyon ang Palasyo ng Malacañang sa pagpapawalang sala ng Sandiganbayan 1st Division kay dating Senador Bong Revilla Jr.
‘Cannot be held liable’ ang ginamit na salita ng Sandiganbayan sa kaso ng dating Senador kung saan 3 Justices ang bumoto ng acquittal at dalawa naman ang guilty ang desisyon.
Base sa desisyon ng 1st Division ng graft court ay guilty naman sa kasong plunder ang mga co-accused ni Revilla na sina Atty. Richard Cambe at Jannet Lim Napoles.
Wala pang ibinibigay na pahayag si Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo sa naging desisyon ng graft court.
Wala pa rin namang pahayag ang Malacañang sa unilateral ceasefire na idineklara ng New Peoples Army (NPA) para sa panahon ng Kapaskuhan pati na rin ng kanilang anibersaryo sa December 26.
Pero una nang sinabi ng Malacañang na hindi sila papayag na gamitin ng mga rebelde ang tigil putukan para makapagpalakas ng puwersa o makapag-recruit ng mga miyembro.
Sinabi din naman ni Panelo na wala pang posisyon si Pangulong Duterte kung magdedeklara ng ceasefire sa mga rebelde at mas mabuting maghintay nalang ng anunsiyo nito.