Binigyang-diin ni dating Agriculture Secretary William Dar na ikakalugmok ng mga magsasaka ang rice tariffication law na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa bagong batas, tinatanggal na ang restriksyon at limit sa pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa kung saan kahit sinong nasa private sector ay maaaari ng makisali sa importasyon.
Pero naniniwala si Dar na hindi pa handa ang mga local farmers kung saan dehado sila sa ibang magsasaka gaya sa Thailand at Vietnam na gumagastos ng mas mababang halaga sa kanilang rice production.
Aniya, tiyak na magpapahina lamang sa rice production sa bansa ang nasabing batas.
Mas marami kasing magsasaka ang mawawalan na ng gana sa pagtatanim dahil maliban sa problema sa puhunan, mabebenta na lamang sa sobrang presyo ang kanilang mga produkto.
Bunsod nito, pinatitiyak ni Dar sa pamahalaan dapat ipatupad ng tama at walang bahid ng korapsyon ang rice competitiveness enhancement fund (RCEF) o special rice buffer fund.
Layunin umano ng pondo na suportahan ang mga local farmers para mapalago ang produksyon at maging “competitive” sa magsasaka sa abroad.
Nakapaloob sa batas na magkakaroon ng annual initial funding na P10 billion ang RCEF.