Ipinababasura na ng ilang mga kongresista ang Rice Tariffication Law (RTL) kasunod nang pagbaba ng presyo ng palay ng hanggang P7 kada kilo.
Panawagan ni Kabataan Rep. Sarah Elago na tuluyan ng ibasura ang RTL dahil pinapatay na nito ang industriya ng agrikultura sa bansa.
Maituturing din aniyang “absolute failure” ang RTL sapagkat sa kabila ng malawakang pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa, bahagya lamang ang pagbaba ng presyo nito sa mga pamilihan.
Pinuna rin ng kongresista ang probisyon ng RTL na nagsasabing ang buwis na malilikom sa importation ng palay ay gagamitin para tulungan ang mga magsasaka at mapabuti ang agriculture industry.
Hanggang sa ngayon kasi ay hindi pa rin ramdam ng mga naluluging magsasaka ang ipinapangakong tulong ng batas.