Rice Tarrification Bill, ipinapa-veto sa Pangulo

Manila, Philippines – Umapela si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang Rice Tarrification Bill.

Mariing iginiit ng kongresista na hindi ito solusyon sa problema sa suplay ng bigas ng bansa kundi magdudulot lamang ito ng pagiging over dependent ng Pilipinas sa imported rice.

Paliwanag ni Zarate, kung ang katwiran ng pamahalaan ay tulungan ang mga local farmers, maaari namang gawin ng gobyerno ang pagbili sa palay ng mga lokal na magsasaka sa P20 per kilo na halaga nang walang Rice Tarrification Bill.


Sa halip na matulungan ang mga magsasaka sa bansa, ang Rice Tarrification Bill ang papatay sa hanapbuhay ng mga magsasaka dahil babahain tayo ng mga imported na bigas at magbubunga pa ito ng pagtaas ng presyo.

Matutulad aniya ang bigas sa langis na dedepende ang presyo base sa suplay sa international market.

Babala pa ng mambabatas, mataas na ang presyo ng mga bilihin at serbisyo dahil sa TRAIN Law, lalo pang tataas ito dahil sa Rice Tarrification Bill.

Facebook Comments