Manila, Philippines – Ikinatuwa ng Malacañang ang pag-apruba ng senado sa Rice Tariffication Bill.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo – ngayong nakalusot na sa kongreso ang panukala, tiyak na mapapadali ang pagpapatibay nito sa bicameral conference committee.
Sa ilalim nito, ipauubaya na sa mga pribadong sektor ang pag-aangkat ng bigas kapalit ng pagbabayad nila ng taripa sa gobyerno.
Isa kasi ito sa nakikitang solusyon ng pamahalaan para matugunan ang kakapusan ng suplay ng bigas sa bansa at mapababa ang presyo nito.
Sa botong 14-0, inaprubahan kahapon sa ikatlo at huling pagbasa ng senado ang rice tariffication bill na nauna nang nakalusot sa Kamara noong Agosto.
Tiniyak naman ng kongreso na ihahabol nila ang panukala sa bicameral conference committee bago matapos ang sesyon.