*Ilagan City, Isabela-* Kasado na sa March 1, 2019 ang isasagawang Rice Tarrification Dialogue ng Department of Agriculture, NFA at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa mga lokal na magsasaka kaugnay sa pagsasabatas ng Rice Tarrification Bill.
Ito ang kinumpirma ni Ginoong Romy Santos, media consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela kung saan nagpalabas na ng imbitasyon ang tanggapan ng Provincial Agriculturist sa lahat ng mga stakeholders para sa gagawing pakikipag dayalogo sa mga lokal na magsasaka na pangunahin umanong maaapektuhan ng nasabing batas.
Isa anya itong hakbang upang maipaliwanag sa mga magsasaka ang mga layunin at mahahalagang nilalaman ng Rice Tarrification Law.
Layon din ng gagawing dayalogo na marinig ang mga paraan na maaring imungkahi ng mga kinauukulan upang maibsan ang posibleng epekto sa mga magsasaka.
Hinihintay na lamang ng ahensya ang Implementing Rules and Regulation (IRR) upang maisakatuparan ang pakikipag-usap sa mga maapektuhan ng naturang batas.
Ito ay magkatuwang na ilulunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, Department of Agriculture Region II, NFA Region II, National Irrigation Administration Region II at ng PhilRice Manila sa Amphitheater ng Provincial Capitol ng Isabela.