Ricky Reyes sa usaping LGBT, SOGIE: Tigilan na ang kabaklaan

Ricky Reyes/ Facebook

Nagsalita na ang itinuturing ng marami bilang gay icon na si Ricky Reyes hinggil sa mga isyung kinahaharap ng mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender (LGBT) community at sa usaping Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality Bill (SOGIE Bill).

Sa video na ini-upload sa YouTube ng isang Timmy Basil, nakuhanan si Reyes na sinasabi sa mga reporter na pinakiusapan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumatawan sa LGBT community–pero hindi niya raw nakukuha ang punto nito.

“What for? Para ano? Ilang presidente na ang natulungan ko, pang anim na si Presidente Duterte, bakit kailangan ko pang mag-LGBT (representante)?” saad ng beteranong hairstylist.


“Ako this year, lahat ng LGBT, nilikom ko silang lahat. Sabi ko, ‘Tigilan na ‘yang kabaklaan. ‘Wag na kayong magbestida sa kalye kasi lalo tayong pagtatawanan ng tao, okay? Dapat tumulong tayo sa kapwa para mahalin tayo ng tao,’” dagdag niya.

Sinabi rin niyang dapat ay sarilinin na lamang ng LGBT ang mga suliranin at huwag nang “ipangalandakan.”

“Walang makakaintindi sa bakla kundi kapwa-bakla lamang, at ang affair ng mga bakla dapat sa atin lang ‘yan. Huwag nating ipangalandakan sa tao. Bakit kailangan kong sabihin sa madlang people na, ‘Uy, intindihin mo nga ako, bakla ako.’ Teka muna,” aniya.

Hinggil naman sa usapin ng paggamit ng banyo ng mga transgender, pareho ang opinyon ni Reyes sa naging pahayag ng singer na si Jake Zyrus.

Matatandaang sinabi ni Zyrus na sa pambabaeng banyo pa rin siya pumapasok kahit na siya ay trans man, sa katuwirang hindi dapat aniya ipilit ang kanilang paniniwala sa iba.

“Nirerespeto kita bilang tao, nirerespeto kita bilang bading, pero lumugar tayo,” ani Reyes.

“Kung ikaw, babaeng-babae ka, ‘di ka mabubuking, e di lumusot ka, di ba? Kung makakalusot ka. Eh kung ‘di ka makakalusot, problema mo,” paliwanag niya.

Hindi rin daw nakikita ni Reyes ang pangangailangang isabatas ang SOGIE Bill dahil tanggap naman aniya sa bansa ang mga LGBT.

“Let it be na lang. Basta ang bakla ay bakla. Ang bakla maski anong gawin niyo, isulat niyo ‘yan, ang bakla ay bakla. Ang bakla, gilingin mo man ‘yan, ang labas niyan baklang hamburger,” giit niya.

Pagdating naman sa same-sex marriage, naniniwala raw ang gay icon na 40 taon nang may kasintahan, na ang kasal ay para lamang sa babae at lalaki.

“Merong kasabihan sa Catholicism na sacrilege, pambabastos sa relihiyon. ‘Wag na. Ang pagpapakasal ibigay natin sa babae at sa lalake ‘yan, ‘di ba, kung gusto niyo ng union e ‘di mag-union kayo.

“Bakit ako, I’m in a relationship for 40-plus years pero we don’t go out of our way to say kailangan naming magpakasal? No more,” halimbawa niya.

Para kay Reyes, miyembro man ng LGBT o hindi, kasal man o hindi, ay maaaring maging masaya ang pagsasama at makapagpalaki ng mga bata hangga’t mahal nila ang isa’t-isa.

“May kasabihan tayo, you never never rock the boat if it’s not broken, ‘pag maayos siya, go lang. Ba’t kailangan ipagsaksakan e hindi naman magulo? Pinagugulo mo lang ang mundo.”

Facebook Comments