Itinaas ng Department of Transportation (DOTr) ang cap o limitasyon ng mga rider para sa motorcycle-taxi gaya ng Angkas, Move It at Joyride.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng pilot run ng motorcycle-taxi na tatagal hanggang Marso ngayong taon.
Ayon kay DOTr-Technical Working Group (TWG) Chairperson Antonio Gardiola – napag-kasunduan nila at ng mga kinatawan ng tatlong ride hailing services na mula sa dating 39,000 ay magiging 63,000 na ito na paghahatian ng tatlong app.
Aniya, 15,000 rider cap sa Metro Manila, 3,000 para sa Metro Cebu at 3,000 para sa Cagayan de Oro.
Sabi naman ni George Royeca, Angkas Chief Transport Advocate – na napagkasunduan rin sa pulong na iuurong nila ang kaso na kumukwestyon sa pilot study ng TWG.
Una na ring tiniyak ng DOTr at TWG habang binubuo pa ang batas para sa mga motorcycle taxis, wala munang magiging hulihan sa mga Angkas, Joyride at Move It drivers.