Sinimulan na ang rigodon sa liderato ng Kamara ngayong araw dahil pa rin sa isyu ng Speakership.
Ginawa ang pag-alis kay 1-PACMAN Partylist Representative Mikee Romero bilang Deputy Speaker sa kalagitnaan ng budget hearing.
Si Romero ay kilalang malapit na kaalyado at supporter ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na mahigpit na kalaban ni incumbent Speaker Alan Peter Cayetano.
Si Capiz Rep. Fredenil Castro ang pumalit kay Romero bilang bagong Deputy Speaker.
Matatandaang kaninang umaga lamang ay hinamon ni Castro ang mga tagasuporta ni Velasco na magkusa nang umalis sa pwesto at ibigay ang posisyon sa mga karapat-dapat sa Kongreso.
Ayon naman kina PBA Partylist Rep. Jericho Nograles at AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin, insulto para sa Partylist Coalition ang pagsibak kay Romero na tumatayong presidente nito.
Ang Partylist Coalition ang ikatlo sa pinakamalaking bloc sa Kamara na binubuo ng 52 mga kongresista.
Kabilang sa mga Deputy Speakers na supporters ni Velasco ay sina Pampanga Rep. Aurelio Gonzales at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.