Rigodon sa Southern Police District, idinepensa

Manila, Philippines – Ipinagtanggol ng pamunuan ng South Police District at NCRPO o National Capital Region Police Office ang mga bagong Chiefs of Police kasunod ng ikinasang reshuffle sa distrito.

Ayon kay Police Director Oscar Albayalde, regional director ng NCRPO, isinagawa ang reorganization sa mga tanggapan ng pulisya dahil sa “career advancement” ng mga opisyal habang ang iba ay malapit nang magretiro at na-promote sa iba’t ibang posisyon.

Pinalitan ni Sr. Supt. Alexander Santos si Sr. Supt. Allen Sumeg-ang Ocden bilang hepe ng Taguig City Police Office habang mula sa Taguig City ay mapupunta si Oden sa Navotas City Police Station.


Si Sr. Supt. Dante Novicio naman na dating hepe ng Navotas Police Station ay napunta sa Muntinlupa City Police Office habang ang dating hepe nito na si Sr. Supt Nicolas Salvador ay itinalaga bilang Acting Chief ng Regional Operations and Plans Division ng NCRPO.

Itinapon naman si Sr. Supt. Lawrence Coop mula sa Pasay City Police Office patungo sa San Juan City Police Station habang si Sr. Supt. Dionisio Bartolome ay napunta sa Pasay City Police Station at si Sr. Supt. Audie Villacin naman ay itinalaga bilang Office-in-Charge ng District Directorial Staff ng Eastern Police District.

Pormal na ring isinagawa kanina ang turn-over ceremony sa ilang tanggapan ng pulisya sa NCR o National Capital Region.

Naniniwala naman si NCRPO spokesperson, Police Chief Insp. Kim Molitas na lalong magiging panatag at ligtas ang mga mamamayan bunsod ng ikinasang reshuffle sa iba’t ibang sangay ng pambansang pulisya sa Kalakhang Maynila.

DZXL558, Mike Goyagoy

Facebook Comments