Sabay-sabay na magpapatunog ng mga bell ang mga government agency sa buong bansa bilang paggunita sa 28th National Family Week simula September 21 hanggang 27.
Ayon sa National Committee on the Filipino Family (NCFF) na pinamumunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang aktibidad na tinawag na “ring a family bell” ay gagawin eksakto alas-9:00 ng umaga bukas.
Sumisimbolo ito ng pambansang kamalayan at pangako na alalahanin ang pagkakaisa ng pamilyang Pilipino.
Nanawagan ang NCFF sa publiko na makiisa sa pagdiriwang na may temang “Tungo sa Maginhawa, Matatag at Panatag na Pamilyang Pilipino.”
Para sa pagdiriwang ngayong taon, pinagtibay ng NCFF ang Sub-Theme na “Mapagka-lingang Pagtugon at Proteksyon sa Bawat Pamilyang Pilipino mula sa mga Suliranin sa Gitna ng COVID-19 pandemic.”
Taon-taon ipinagdiriwang ang National Family Week tuwing ikaapat na linggo ng Setyembre alinsunod sa Presidential Proclamation No. 60 na inisyu noong September 28, 1992.
Samantala, hinimok din ng NCFF ang bawat pamilyang Pilipino na alalahanin din ang “Kainang Pamilya Mahalaga Day” tuwing ikaapat na Lunes ng Setyembre.