Sinagot ni opposition Sen. Risa Hontiveros ang isang netizen na bumatikos sa suot niyang dress para sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes.
Sa Facebook page ng senadora, ipinost niya ang screenshot ng tweet ng isang netizen na pinagsabihan siyang manamit nang naaayon at mukha umanong “thirsty slut” ang senador.
Kaakibat ng tweet ang group photo ng mga senador para sa pagbubukas ng 18th Congress.
“Dress appropriately. There’s a place and time to dress like a thirsty slut and a senator of the republic. #Cover Up #SONA2019,” anang tweet ng isang Carlo Malonzo.
Suot ni Hontiveros ang piña barong na may slit o biyak sa palda at sapatos na gawa sa Marikina.
Tugon naman ng senador: “Stop telling women how to dress. #BawalBastos”
Si Hontiveros ang author ng “Safe Streets and Public Spaces Act” o “Bawal Bastos Law” na magpaparusa sa catcalling, sexist slurs, stalking sa pampublikong lugar at online.
Kamakailan lang ay pinirmahan na ito ng Pangulo.