VIRAL: Motorista nanapak ng motorcycle rider, sabay takbo

3621
Screenshot via Facebook/Sheryl Anne

Viral ngayon sa social media ang bidyo ng isang drayber ng kotse na pinagsusuntok ang isang motorcycle rider sa Pasig City dahil umano sa simpleng alitan.

Sa bidyo na ibinahagi ni Sheryl Anne nitong Lunes, makikitang sinisigawan at dinuduro ng lalaking lulan ng Hyundai SUV ang nakamotorsiklo sa kahabaan ng Rosario Bridge.


Hinawi ng rider ang kamay ng tsuper nang bigla itong hampasin at sapakin.

Matapos manakit, mabilis na humarurot patakas ang pasaway na drayber. Tinangkang harangan at habulin ito ng ibang rider ngunit bigong maabutan.

Maririnig din sa background na bumubusina ang ilang motorista pero ayaw magpatinag ng tsuper ng sasakyan.

Ayon sa netizen, pinost niya ito sa Facebook para mabigyan ng hustisya ang binatang sakay ng motorsiklo.

Maliban sa pananakit, maaring patawan ng kaukulang parusa ang lalaking nagmamaneho ng Hyundai SUV dahil wala rin itong plaka.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 468,000 ang views ng video.

Facebook Comments