Lalagda ngayong araw sa isang Memoramdum of Agreement ang RMN Networks, Inc., RMN Foundation, Inc., DZXL 558 Radyo Trabaho at Department of Education (DepEd) School Division Office ng San Juan City bilang bahagi ng radio-based blended learning program ng pamahalaan.
Pangungunahan nina DZXL 558 Radyo Trabaho station Manager Buddy Oberas at Dr. Cecille Carandang ng DepEd School Division Office ng San Juan City ang MOA signing mamayang alas-10:00 ng umaga sa DZXL 558 Radyo Trabaho station sa Guadalupe, Makati na sasaksihan din nina RMN Foundation Head Rhoda Navarro, Radyo Trabaho Head Lou Panganiban, RMN Program Head at iba pang DepEd San Juan officers.
Ang kasunduan ay bahagi ng social responsibility ng RMN Networks, Inc. at RMN Foundation, Inc. na matiyak na makamit ng mga bata ang dekalidad na edukasyon sa ilalim ng blended learning ngayong may kinakaharap tayong pandemya.
Ang radio-based blended learning program ay mapapakinggan sa DZXL 558 Radyo Trabaho tuwing Sabado sa ganap na alas-8:00 hanggang alas-9:00 ng umaga.
Ang nasabing programa ay hindi lamang mapapakinggang at makakatulong sa pag-aaral ng 15,000 estudyante mula sa 12 public school ng San Juan City dahil maaari rin itong mapakinggan sa buong Metro at Mega Manila na naaabot ng ating himpilan.
Hindi lang ‘yan dahil pwede ring mapanood nationwide ang ating live streaming sa Facebook sa pamamagitan ng RMN DZXL 558 Manila Page at sa YouTube channel DZXL 558.