ROAD ALERT | Dry run sa pagbabawal sa mga bus na dumaan sa Edsa, ikakasa ng MMDA

Manila, Philippines – Magsasagawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng dry run sa darating na July 24, araw pagkatapos ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ng regulation ng mga provincial buses na dumaraan sa Edsa.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia bahagi ito ng kanilang information drive.

Paliwanag ni Garcia kapag may bago kasing ipatutupad na batas o panuntunan sa kalsada madalas nalilito ang mga motorist.


Ito ay kasunod na rin nang naka ambang temporary ban sa provincial buses na dumaan sa Edsa simula Agosto 1.

Nabago rin ang schedule dahil una nang inanunsyo ng MMDA na ipatutupad ang ban sa mga provincial bus na dumaan sa Edsa magmula alas sinco ng madaling araw hanggang alas dyes ng umaga at alas kwatro ng hapon hanggang alas nueve ng gabi.

Pero matapos magpulong ang MMDA at ang provincial bus operators at stakeholders nausog ito ng alas siyete ng umaga hanggang alas dyes ng umaga at mula alas sais ng gabi hanggang alas nueve ng gabi, Lunes hanggang Biyernes sa parehong north at southbound lane magmula Pasay City hanggang Cubao Quezon City at vice versa.

Kasunod nito sinabi din ni Garcia na nakikipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa bawas pasahe ng mga commuters.

Ang hakbang na ito ng MMDA ay bunsod na rin ng kabi-kabilang road construction at road repairs sa ibat-ibang bahagi ng Metro Manila na sinimulan at sisimulan ngayong bwan.

Kabilang dito ang North Luzon Expressway (NLEX) Drainage Enhancement Project sa kahabaan ng A. Bonifacio Road na nagsimula noong July 1; construction ng elevated guideway para sa MRT 7 sa kahabaan ng North Avenue na nagsimula nuong July 2; emergency leak repair sa malalaking mainline sa Edsa-Shaw Boulevard na mag-uumpisa bukas, July 7 at ang pagpapalit ng Buendia Bridge na mag-uumpisa rin ngayong buwan.

Facebook Comments